Ibinunyag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan na lahat umano ng senador ay nakatanggap ng tinatawag na “leadership fund” mula sa DPWH simula noong 2024.
Tinatayang nasa P500 million umano ang alokasyon sa bawat senador, habang umaabot naman daw P1 billion ang nakukuha ng mga senador na chairperson ng mga komite.
Sa kabuuan, sinabi ni Bonoan na umaabot sa P24 billion ang tinatawag na leadership fund, na umano’y nasa diskresyon noon ni Senate President Juan Migz Zubiri. Maaari rin umano itong dagdagan ayon kay Bonoan.
Ayon pa sa dating DPWH chief, humingi umano si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ng listahan ng mga proyekto kina dating senator Bong Revilla at Senator Jinggoy Estrada.
Sinabi rin niyang nagsumite umano ng listahan sina Senator Bong Go at Senator Robin Padilla.
Iginiit din ni Bonoan na nagpasalamat umano sa kanya sina Padilla at Senator Imee Marcos para sa kanyang “assistance.”
Itinanggi naman ni Zubiri ang mga alegasyon. Sinabi niyang hindi siya kailanman humawak o humingi ng listahan ng mga proyekto mula sa mga senador.
Ayon kay Zubiri, dumadaan sa Senate Committee on Finance ang mga kahilingan para sa mga proyekto at hindi sa kanyang tanggapan.
Gayunman, sinabi niyang walang masama sa institutional amendments para sa mga kalsada, tulay, paliparan at iba pang imprastraktura, basta’t legal, transparent, at maayos ang implementasyon.
Itinanggi rin ni Go na nagsumite siya ng listahan ng mga proyekto kay Bernardo. Hinamon niya si Bonoan na linawin kung ano ang pinagbabatayan ng kanyang mga alegasyon.
Samantala, sinabi ni Imee Marcos na wala siyang alam sa tinutukoy na “pasasalamat” ni Bonoan. Aniya, palagi siyang nagpapasalamat sa mga ahensiya ng gobyerno kapag may mga proyektong isinasagawa sa Ilocos Norte.
Patuloy namang kinukuha ng Bombo Radyo ang panig ng iba pang nabanggit na senador.
















