Nanawagan si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ng mabilis, masinsinan at kumpletong imbestigasyon sa pag-atake sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa Maguindanao del Norte.
Giit ni Adiong, kailangang agad na matukoy, mahuli at mapanagot ang mga responsable sa pag-atake.
Binigyang-diin din ng mambabatas na hindi lamang seguridad ng BARMM ang nakataya sa insidente kundi maging ang peace process sa Bangsamoro, lalo na’t nangyari ito isang buwan bago ang unang parliamentary elections ng rehiyon sa Setyembre 14.
Nanawagan si Adiong sa lahat ng panig na lutasin ang anumang hidwaan sa pamamagitan ng dayalogo, demokratikong institusyon at rule of law, at hindi sa pamamagitan ng karahasan.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat hayaang maantala ng pag-atake ang hangarin ng Bangsamoro people para sa pangmatagalang kapayapaan at tunay na self-governance.
Naganap ang insidente dakong alas-4:45 ng hapon nitong Sabado, Agosto 15, sa Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat, kung saan pinaputukan ang convoy ni Macacua at ng kanyang mga kasama kung saaan nakaligtas naman sila sa insidente.
















