-- Advertisements --

Inaasahang aabot sa P5.5 trillion ang kabuuang kita ng gobyerno pagsapit ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, inaasahang lalago ng average na 9% kada taon ang tax collections mula sa taong 2026 hanggang 2028.

Pagsapit naman ng 2030, target ng pamahalaan na lumampas sa P6 trillion ang kabuuang revenue ng gobyerno.

Dahil dito, inaasahang paiigtingin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang kanilang pangongolekta ng buwis.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), iminungkahi ni PBBM na itaas ang income tax exemption ceiling para sa mga kumikita ng hanggang P350,000 kada taon, mula sa kasalukuyang P250,000.

Iminungkahi rin ng Pangulo na gawing exempted ang micro at small businesses sa 2% minimum corporate income tax sa loob ng 12 buwan.

Umaasa rin ang Department of Finance (DOF) sa mga panukalang batas tulad ng Multinational Minimum Tax Bill at General Tax Amnesty Bill ay madadagdagan ang koleksyon ng pamahalaan.

Samantala, nagsimula na ang DOF at BIR sa paggawa ng batas para maipatupad ang Global Minimum Tax, na layong mapigilan ang paglilipat ng taxable income ng malalaking kumpanya sa ibang bansa.

Mula Enero hanggang Hulyo 2026, nakalikom ang BIR ng P2.003 trillion, mas mataas ng P13.53 billion o 0.68% kumpara sa P1.990-trillion na target para sa naturang panahon.