Sinarado na sa mga motorista mula kaninang alauna y medyang hapon ang Legarda Street sa Maynila patungong Mendiola sa gitna ng ikinasang “interfaith rally kontra korapsiyon” sa Liwasang Bonifacio nitong hapon ng Biyernes, Hulyo 10.
Pangungunahan ang rally ng grupong United People’s Initiative, na binubuo ng mga retiradong sundalo at pulis.
Binaradikahan ng Manila Police district ang kalsada ng mga konkretong garang at barbed wire.
Bunsod nito, apektado ang bahagi ng C.M Recto Avenue, mula sa Nicanor Reyes Street hanggang Mendiola Street at ang bahagi ng Legarda Street, mula sa Figueras street hanggang sa San Rafael Street.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na dumaan muna sa alternatibong ruta, kung magmumula sa Quezon Boulevard sa C.M Recto patungong Mendiola, maaaring lumiko pakaliwa sa Nicanor Reyes Street papunta sa iyong destinasyon.
Kapag galing naman sa Sta. Mesa (Legarda) patungong C.M Recto, maaaring lumiko sa Figueras Street, dumiretso sa Earnshaw Street at kumaliwa sa Sergio H. Loyola Street.
Inaasahan na magtatagal ang isinasagawang kilos-protesta ng grupo hanggang mamayang alas-11:00 ng gabi.
















