Hindi dapat agad ituring na mapanganib o marahas ang isang batang nagpapakita ng pagbabago sa kilos o pag-uugali.
Ito ang iginiit ng isang eksperto kasunod na rin ng kamakailang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ma. Jessica Quiambao, isang guidance counselor, sinabi niyang mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang at guro sa mga makabuluhang pagbabago sa isang bata, lalo na kung nakararanas ito ng bullying o iba pang mabigat na sitwasyon.
Ayon kay Quiambao, ang mga warning signs ay dapat maging hudyat para makialam at umunawa, sa halip na maging dahilan para agad siyang lagyan ng label.
Mahalaga aniyang itanong hindi lamang kung ano ang problema ng bata, kundi kung ano ang pinagdaraanan nito at kung paano siya matutulungan.
“Hindi naman ibig sabihin na ‘pag nakita natin ang mga warning signs na ito is an opportunity para i-label natin ang isang bata na dangerous or violent. I think it’s important that warning signs are invitation to intervene and not to really label someone,” saad nito.
Samantala, binigyang-diin din niya na mahalagang bantayan ng mga magulang at guro ang sarili nilang kalagayan dahil maaari rin silang makaranas ng burnout.
Aniya, hindi laging kayang maging matatag at mahaba ang pasensya ng mga adults, kaya mahalagang humingi ng suporta o professional help kapag hindi na kayang harapin ang mga hamon nang mag-isa.
Dagdag pa ni Quiambao, ang paghingi ng tulong ay hindi kahinaan, kundi pagkilala na kailangan ng suporta bago maapektuhan ang kanilang kakayahang gampanan ang mga responsibilidad.
“Tayong mga adults sometimes, we need to understand na we also have our own limits. Siguro importante na masabi natin na sometimes it’s okay to seek support ‘pag alam natin sa sarili natin na di na natin kaya. It means that we are not guilty for not being okay but it means that we are recognizing that we need support before we areached a point were we can no longer function well, ” dagdag pa niya.















