-- Advertisements --

Nag-martsa ang mga tsuper at operator ng transport group na Manibela mula Welcome Rotonda sa Quezon City patungong Mendiola sa Maynila ngayong Biyernes, Abril 17 kasabay ng huling araw ng ikinasang transport strike laban sa mataas na presyo ng langis.

Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, nag-martsa sila malapit sa Pangulo para ipanawagan ang pag-suspendi ng excise tax gayundin ang value added tax (VAT) at rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa nararapat na presyo.

Ipinunto niya na ang pagsuspendi ng buwis sa langis ay magbebenepisyo hindi lamang sa transport workers kiundi maging sa mga komyuter at mga motorista.

Giit din ni Valbuena, mula pa lamang noong unang linggo ng tensiyon sa Gitnang Silangan ay labis na ang pagtaas ng presyo ng petroleum products. Kaugnay nito, kinalampag ni Valbuena ang mga kumpaniya ng langis na maagang nagtaas ng presyo kahit na mayroon pang stockpiles ng langis.

Kinuwestyon din niya ang fuel assistance programs ng pamahalaan, dahil hindi umano ito sapat at hindi accessible sa mga apektadong tsuper.

Hindi rin aniya ganap na naipatupad ang ipinangakong diskwento sa langis para sa mga pampublikong transportasyon at ilang piling gasolinahan ang hindi umano batid ang naturang programa.

Gayundin, nananatiling limitado ang service contracting program ng pamahalaan at mayroon pa ring mga hindi nabayaran sa mga nakalipas na kasunduan.