Mariing tinutulan ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang paggamit ng House prosecution panel ng mga di-kanais-nais na salita sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.
Sa ika-18 araw ng paglilitis sa Bise Presidente, hinarang ni Defense Counsel Atty. Kristine Ferrer ang pagtatanong ni Prosecution Counsel Atty. Mae Divinagracia sa testigong si Office of the Vice President (OVP) Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.
Partikular na tinutulan ng depensa ang paggamit ng prosekusyon sa salitang “mastermind” at “architect” upang ilarawan ang Bise Presidente kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
Bunsod nito, hiling ng defense counsel na ipat tanggal o ipabura sa opisyal na rekord ng hukuman ang mga naturang pahayag ng kabilang kampo.
Apela pa ng defense team sa Impeachment Court, paalalahanan at pagsabihan ang prosekusyon na iwasan ang paggamit ng inappropriate words gaya ng “scam” at iba pang malalalim na paratang upang maiwasan ang pre-judgment at mind-conditioning habang gumugulong ang pagdinig.
Agad namang sinang-ayunan ni Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng depensa.
Inutusan nito ang prosekusyon na gumamit ng mas angkop at katanggap-tanggap na mga salita, kasabay ng pagpuna na tila nagiging gawi o habit na ito ng prosecution panel.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng komento ang tagapagsalita ng defense team na si Atty. Michael Poa kung sinasadya ba ng prosekusyon ang paggamit ng mga naturang kataga.
Paliwanag ni Poa, may kani-kaniyang diskarte at istratehiya ang mga abogado, maging sa depensa man o sa prosekusyon, sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa korte, ngunit umaasa silang mananatiling maayos at angkop ang mga salitang gagamitin sa mga susunod na pagdinig.
















