Nababahala ang Lawyers advocacy group sa kasalukuyang takbo ng imbestigasyon hinggil sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, inihayag nito na tila humihina ang direksyon ng imbestigasyon, sa kabila ng mga ebidensya at testimoniyang hawak na.
Nangangamba pa ang grupo sa posibleng pagkaantala ng hustisya, kung saan ang mga isinasangkot ay maaaring hindi mapanagot.
Sinabi pa ni Atty. Inton na mas lalo pang tumindi ang kanilang pag-aalala nang lumabas ang ulat na posibleng kunin si dating House Speaker Martin Romualdez bilang state witness hinggil dito.
Aniya, ang hakbang na ito ay magdudulot ng mas maraming katanungan, lalo na’t may direktang access at impluwensya si Romualdez sa mga usapin ng budget ng gobyerno.
Para sa kanila, hindi umano kapani-paniwala na walang alam ang mambabatas sa mga insertions sa budget.
“Mahirap paniwalaan na walang alam si Romualdez. Alam mo yung sinsabi niyang wala siyang pirma sa bicam… pwedi naman niyang utusan yung kanyang mga taga-house of representatives. Hindi ako naniniwala na wala siyang go signal dito na pirmahan ang insertions sa bicam,” aon kay Atty. Inton.
Nangangamba pa ang grupo na bahagi ito ng isang taktika upang isakripisyo ang ilan habang inililigtas ang tunay na may impluwensya, na magre-resulta sa isang pekeng pananagutan at pagpapanggap na hustisya.
“Justice delayed is justice denied. Due process is required and we must respect due process. Pero hindi overdue process ang nasa constitution. Ang nangyayari ngayon, dahil overdue process, ang hustisya ay delayed at dahil delayed ay denied,” dagdag pa nito.