Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang patuloy na pag-aalburuto ng Mayon Volcano, kabilang ang lava effusion at collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) sa paligid ng bunganga ng bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang lava effusion at PDCs bandang ala-11:20 kagabi habang ang mga larawan ng minor Strombolian activity ay kuha naman sa pagitan ng alas-10:32 at alas-11:03 ng gabi.
Nabatid na umabot na sa 131-araw na magkakasunod ang naitalang effusive eruption sa bulkan kasabay ang pagbubuga ng lava, pyroclastic density currents na tinatawag ding “uson,” at mga rockfall.
Binigyang-diin ng mga opisyal na nananatiling nasa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog at mapanganib na volcanic activity.















