-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos umanong maaksidente habang sakay ng kaniyang minamanehong motorsiklo sa Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Jose Mari Calvo, 28, residente ng Zone 7, Ilang Ilang St. Riverside, San Jose, Pili sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Calvo ang daan patungong Hilaga nang ‘di umano’y maaksidente ito at mahulog sa tulay na may taas na 30 feet habang naiwan naman sa tulay ang motorsiklo.

Narescue naman ang biktima at agad na dinala sa Bicol Medical Center (BMC) sa Naga City ngunit idineklara ring Dead On Arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.