Nagpapakita umano ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang lahat ng rehiyon sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH) nasa 88% ng mga provinces, highly urbanized cities, at mga independent charter cities ang lumalabas na nagkakaroon ng positive growth rates.
Batay sa latest COVID-19 situationer karamihan daw sa mga lugar na ito tumataas habang ang National Capital Region ay nasa 450 cases daily.
May bahagyang pagtaas naman na na-monitor sa Mindanao noong kalagitnaan ng Hunyo, pero ngayon ay medyo nag-pa-plateau na may 50 cases kada araw.
Sa kabila ng pagtaas ng infections, ang lahat naman daw ng rehiyon ay nananatili sa mas mababa sa low-risk case classification.
Ito ay kahit pa raw ang lahat ng mga rehiyon sa bansa ay nakitaan ng positive two-week growth rates na ang iba ay umabot pa sa higit 200%.
Kamakailan lamang ang IATF ay tinanggap ang rekomendasyon ng mga experts na tanggalin na ang two-week growth rate bilang indicator sa pagdetermina ng risk classification ng isang rehiyon o kaya sa alert level.
Nilinaw rin naman ni DOH spokesperson at National Vaccination Operations Center chairperson Maria Rosario Vergeire na ang two-week growth rate ay nagpapakita ng bilis sa pagtaas o pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa isang lugar.
Ito rin ang ginamit noon ng mga health authorities na pamantayan sa bilis ng infection sa kasagsagan ng Delta at Omicron surges.