-- Advertisements --

Hindi pipirmahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang bicameral conference committee report sa proposed 2026 national budget kung hindi maaaksyunan ang mga probisyon na naglalaman ng malaking pagtaas sa pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (Maifip) at ang allocation na P33 billion para sa farm-to-market roads.

Ayon kay Lacson, may mga seryosong isyu sa pagsunod sa mga umiiral na batas at sa posibilidad ng political patronage sa mga proyektong ito.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos aprubahan ng bicameral panel ang pagtaas ng budget ng Maifip sa P51 billion, na may orihinal na pondong P42 billion noong 2025. Pumalo rin sa P33 billion ang pondo para sa farm-to-market roads, higit sa P32 billion na ipinropose ng House of Representatives.

“Sorry, unless rectified in its final version, I cannot sign to ratify a bicam report with P51 billion for Maifip,” ani Lacson, kasabay ng pagpapahayag ng alalahanin na ang pondo para sa Maifip ay maaaring magamit sa pansariling interes ng mga politiko.

Sinabi niya pa na dapat daw ay nasa ilalim ng Universal Health Care (UHC) program ang pondo para sa kalusugan upang masiguro ang tamang implementasyon ng batas.

Ayon pa kay Lacson, nag-file siya ng Senate Bill 404 upang tanggalin ang political influence sa Maifip at masiguro ang tamang pag-gamit ng pondo para sa kalusugan.

Samantala, pinuna rin niya ang kakulangan ng transparency sa mga farm-to-market road projects at ang proseso ng pag-vet ng mga ito.