Binatikos ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang isang kapwa senator-judge na umano’y nakaaapekto sa takbo ng impeachment trial ni Vice President Sara Dutete.
Sa isang pahayag sa kanyang X account (dating Twitter) nitong Martes, Hulyo 21, sinabi ni Lacson na marami silang natututunan kapag mahusay ang mga abogado mula sa prosecution at defense panels ang nagsasalita sa paglilitis.
“Kapag magagaling ang mga abugado ng prosekusyon at depensa, masarap makinig; ang dami nating natutuhan,” ani Lacson.
Gayunpaman, sinabi niya na nagiging hindi maganda ang takbo ng pagdinig kapag may “bopol” na senator-judge na sumisingit sa proceedings.
Ang salitang “bopol” ay tumutukoy sa isang taong mabagal umunawa o mahina ang pag-intindi.
“Ang problema, kapag may umentra na senator-judge na ‘bopol’, nakaka-bobo naman,” pahayag pa ng senador.
Hindi naman tinukoy ni Lacson kung sino ang senator-judge na kanyang tinutukoy sa kanyang pahayag.
Samantala, nagpapatuloy na sa ikawalong araw ang impeachment trial laban kay VP Sara kung saan humarap na ang huling testigo ng prosekusyon na si NBI Director Melvin Matibag para sa Articles IV ng impeachment complaint sa Bise Presidente.
Kamakailan, inaprubahan ni Senate President at presiding officer Senator-Judge Francis ”Chiz” Escudero ang pagpapalabas ng subpoena para sa pagbubukas ng financial records nina Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2007 hanggang 2021.















