Nanawagan ang ilang labor groups na mabigyang-linaw ang pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, na nasawi sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Ayon sa Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), at Labor Education and Research Network (LEARN), mahalagang magkaroon ng imbestigasyon at panagutin ang mga responsable, sa gitna ng pagluluksa ng pamilya at mga kaibigan ng mga biktima.
Lumabas sa ulat na nasawi ang dalawang atleta matapos tangayin ng malalakas na alon habang nasa baybayin, kung saan sila ay nasa waist-deep na tubig bilang bahagi umano ng training activity ng koponan.
Kinuwestiyon din ng mga grupo ang umano’y pagkukula ng Ateneo de Manila University sa pagpapatupad ng mga patakaran para sa kaligtasan ng mga student-athlete.
Hiniling din nila na panagutin ang mga coach at staff na nagpatupad ng aktibidad at ipaliwanag kung bakit isinagawa ito sa delikadong kondisyon.
Ayon sa kanila, hindi dapat isinasantabi ang kaligtasan ng mga estudyante, lalo na sa mga matitinding training na kapalit ng performance sa sports.
Samantala, humingi na ng paumanhin ang head coach ng Ateneo men’s basketball team na si Tab Baldwin, ngunit patuloy pa ring humihingi ng mas malinaw na paliwanag ang pamilya ng mga nasawi.
Dahil sa insidente, may mga panukala na ring inihain sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso upang magsagawa ng imbestigasyon at masigurong mapapalakas ang mga patakaran para sa kaligtasan ng mga student-athletes.
















