LOS ANGELES, California – Nagdeklara ng state of emergency ang Los Angeles County bilang tugon sa patuloy na operasyon ng pamahalaan para hulihin at paalisin ang mga ilegal na imigrante sa U.S.
Inihain ito nina County Supervisors Lindsey P. Horvath at Janice Hahn, at naaprubahan sa botohan na may resulta na 4-1.
Ang deklarasyong ito ay nagbibigay kapangyarihan sa lokal na pamahalaan upang magbigay ng tulong sa mga residenteng apektado, lalo na sa aspeto ng pinansyal, dulot ng mga operasyon ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Tinatayang may higit sa 3 milyong imigrante ang naninirahan sa Los Angeles, at ang agresibong hakbang ng ICE ay nagdudulot ng matinding takot sa komunidad. Nabawasan ang pumapasok sa trabaho, naapektuhan ang takbo ng ekonomiya, at nabulabog ang mga serbisyong pampubliko gaya ng paaralan, ospital, at simbahan.
Samantala, tiniyak ni County Supervisor Lindsey P. Horvath na patuloy na susuportahan ng lokal na pamahalaan ang mga imigrante hanggang sa mawala ang banta sa kanilang kaligtasan.
“For months, families have lived under threat and workers have been taken from job sites… This proclamation is about action and speed – it allows us to move faster, coordinate better, and use every tool available to protect and stabilize our communities. We will continue to stand with our immigrant neighbors – today, and for as long as it takes,” ani Horvath.
Mananatiling epektibo ang deklarasyon hanggang sa ito ay opisyal na bawiin ng konseho.