Naibalik na ang suplay ng kuryente sa Boracay at mga karatig-bayan matapos ang tatlong araw na blackout dulot ng nasirang underground transmission cable malapit sa Caticlan Airport, ayon sa Department of Energy (DOE).
Nagsimula ang brownout noong Setyembre 13 nang magka-aberya sa Nabas-Unidos 69 kV line, na nagdulot ng pagkawala ng kuryente sa Boracay, Malay, at Buruanga sa Aklan.
Agad namang rumesponde ang walong repair teams mula sa NGCP at AKELCO. Sa tulong ng CAAP, nagtayo sila ng pansamantalang 800-metrong overhead line sa gilid ng paliparan. Tumulong din ang PNP para sa seguridad ng operasyon.
Pansamantala ring natigil ang trabaho dahil sa mataas na tubig, ngunit naipagpatuloy ito kinaumagahan.
Naibalik ang kuryente dakong 2:55 ng hapon noong Setyembre 15.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, ligtas ang isinagawang pagkukumpuni at mananatili ang mga tauhan sa lugar para sa tuluyang pagsasaayos.
Patuloy ding tinatrabaho ng NGCP ang permanenteng pagkukumpuni sa nasirang linya at pinapabilis na ang pagtatapos ng Nabas-Caticlan-Boracay Transmission Line Project bago matapos ang taon.
















