-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sumampa na sa 8 ang kabuuang bilang ng patay sa malawakang wildfire sa Maui island sa Hawaii.

Ito ay matapos na matukoy ang dalawa pang karagdagang nasawi na Pilipino na sina Rogelio Mabalot, 68 anyos residente ng Lahaina sa Maui at tubong Laoag city. at isa pang nakatatandang lalaki.

Ang pagkasawi ni Mabalot ay kinumpirma rin mismo ng kaniyang anak na babae sa pamamagitan ng kaniyang online platform matpos matanggap ang kumpirmasyon mula sa Federal Bureau of Investigation na nagtugma ang kanilang DNA samples.

Sinabi ng Konsulada ng Pilipinas sa Honolulu na ipinaalam ng US Department of State – Office of Foreign mission ang pagkamatay ni Mabalot noong Agosto 25.

Nagpaabot naman na ng pakikiramay at tulong ang konsulada sa naiwng pamilya ng nasawing Pinoy.

Kung matatandaan, una ng kinumpirma ng mga awtoridad na kabilang sa mahigit 100 nasawi sa wildfire ang tatlo pang Pilipino na sina Salvador Coloma, 77; Carlo Tobias, 54; Rodolfo Rocutan, 76; Conchita Sagudang; Danilo Sagudang, 55; at Alfredo Galinato, 79.

Inihayag din ng Konsulada na beniberipika pa nito ang nasyonalidad ng dalawang iba pang napaulat na nasawi na sina Pablo Pagdilao III, 75 anyos mula sa Ilocos Norte, at Coleen Jones, 59 anyos.

Samantala, maraming mga residente pa rin sa Lahaina ang kasalukuyang nawawala bunsod ng malawakang wildfire na sumiklab noong Agosto 8.