-- Advertisements --

Ibinahagi ni Kris Aquino ang planong paglipat sa probinsya sa isang serye ng Instagram posts nito. Habang patuloy siyang sumasailalim sa matinding gamutan para sa kanyang mga autoimmune diseases, ibinahagi rin niya ang mga video ng anak na si Bimby kasama sina K Brosas, Mommy Loi Villarama, at makeup artist Bambbi Fuentes sa pagbisita sa Monasterio de Tarlac.

Ayon kay Kris, siya ay kasalukuyang naka-confined matapos tumaas ang kanyang blood pressure sa 165/112 at makaranas ng lupus flare, mataas na lagnat, at hirap sa paghinga. ”My lungs ang pinaka nahihirapan,” ayon sa kanya. Isinasagawa na ang 2D Echo test, at may nakatakdang PET scan kinabukasan.

Ibinahagi rin ni Kris na nagpaplano silang lumipat sa lugar na may malamig na klima at sariwang hangin para makatulong sa kanyang kalusugan. Tinanong niya ang kanyang mga tagasubaybay kung may mairerekomendang lugar para dito. Isa sa mga pinag-iisipan niyang lugar ay ang Tarlac, kung saan mayroon silang family compound.

Dagdag pa ni Kris, kasalukuyang hindi siya rehistradong botante at hindi nakaboto noong 2022 dahil nasa Amerika siya para sa gamutan. Aniya, nais niyang maramdaman muli ang simpleng pamumuhay at pagkakaroon ng taniman ng prutas sa bakuran.

Sa kabila ng kanyang kondisyon, ipinahayag ni Kris ang patuloy niyang pakikipaglaban at pasasalamat sa mga nananalangin para sa kanyang paggaling. “You will see my journey because kayo ang prayer warriors ko,” aniya.

Ibinunyag din ni Kris na mayroon na siyang siyam na diagnosed autoimmune diseases, at isang ika-sampu na resulta ng komplikasyon. Lalong naging malapit sa kanyang puso ang Tarlac dahil sa mga doktor, malinis na hangin, sariwang pagkain, at mabilis na internet connection, bagama’t anim na buwan ang inaasahang renovation ng kanilang bahay doon.

Patuloy na humihingi ng dasal at suporta si Kris habang pinipiling manatiling matatag sa gitna ng kanyang mga pinagdadaanan.