-- Advertisements --

Trigger warning: Ang article na ito ay maynilalaman na self-harm.

Mangiyak-ngiyak ng muling balikan ng host at dating konsehala na si Kim Atienza ang matinding sakit nang mabalitaan niyang pumanaw ang kanilang anak na si Emman.

Sa isang panayam kay Jessica Soho, sinabi ni Kim na dalawang araw bago ang trahedya, nagpadala pa ng mensahe si Emman sa kanyang ina, na nagsasabing kailangan niyang pumunta sa therapy center, ngunit walang palatandaan ng self-harm.

Sinubukan nilang tawagan si Emman, ngunit hindi na umano siya makontak. Nang matanggap ni Kim ang mensahe mula sa kanyang asawa na si Feli na pumanaw na ang kanilang anak, inilarawan ni Kim ang matinding sakit: “Nanlambot tuhod ko… Parang Lord kahit bigyan mo ako ng cancer okay, tiisin ko ‘yan. Pero mamatayan ka ng anak, masakit sa lahat.”

Bagama’t labis ang kanilang pagdadalamhati, natagpuan ni Kim ang kaunting ginhawa sa positibong impluwensya ni Emman. Ayon sa kanya, nakakaantig ng marami ang kabaitan at inspirasyon na iniwan ng kanilang anak, na naitala pa sa New York Times, TMZ, at Entertainment Tonight.

Aniya pa, naniniwala siya na may mas mataas na layunin ang nangyari at nagbibigay ito ng kapayapaan sa kanyang puso: “Emman did not die in vain… may dahilan at ang dahilan ay maganda.”

Para po sa mga nakakaranas ng depresyon o may iniisip na saktan ang sarili, maaring tumawag sa National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline sa 1553 (landline) o 0917-899-8727 at 0919-057-1553 (mobile).