-- Advertisements --

Inihayag ng National Bureau of Investigation na kanilang agaran dadalhin sa Department of Justice si Sen. Bato Dela Rosa sa oras na ito’y kanilang matagumpay na maaresto.

Ayon mismo sa direktor ng kawanihan na si Atty. Melvin Matibag, ite-turn over aniya nila ang senador sa kagawaran sakali man naaresto na siya ng kanilang mga tauhan.

Ito raw ang susunod na hakbang gagawin ng kagawaran sa kanilang pagpapatupad ng ‘arrest warrant’ na inilabas ng International Criminal Court laban kay Sen. Dela Rosa.

Ibinahagi ng direktor na ipinauubaya na nila sa Department of Justice ang pagproseso sa kaso ng mambabatas kung ito’y agaran dadalhin palabas ng bansa tungo sa International Tribunal.

Subalit sa panig naman ng Department of Justice, tumangging kumpirmahin ng kagawaran kung ang susunod nilang hakbang ay ang agaran pagdala sa senador sa The Hague, Netherlands.

Ayon mismo kay Justice Secretary Fredderick Vida, ang naturang usapin ay ‘operational matters’ na kung kaya’t hindi maaaring pag-usapan o maisapubliko.

Iniiwasan raw kasi nila na maunsami o maapektuhan ang pangunahing layunin na tuluyan nang madala sa International Tribunal si Sen. Dela Rosa.

Isa ang National Bureau of Investigation sa inatasan ng Justice Department na pangunahan ang implementasyon ng warrant laban kay Sen. Dela Rosa.

Kamakailan ay inatasan na ng kagawaran ang kawanihan na arestuhin ang mambabatas matapos ibasura ng Korte Suprema ang hiling na ‘interim relief’ ng senador na layon sanang mapigilan ang pag-aresto at pagsilbi ng warrant mula International Tribunal.

Gayunpaman, aminado si Dir. Melvin Matibag na sa kasalukuyan ay wala silang sinusunod na ‘timeline’ kung kailan inaasahan tuluyan maaresto na si Sen. Dela Rosa.