Hinimok ng Department of Justice at National Bureau of Investigation si Sen. Bato Dela Rosa na sumuko na lamang sa mga awtoridad alinsunod sa ‘arrest warrant’ nitong kinakaharap.
Naniniwala si Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na ang pagsuko o ‘surrender’ ng isang akusado at pugante ay daan para mas mapadali ang trabaho ng gobyerno.
Kung kaya’t bukas ang kagawaran sa ganitong opsyon sakali man kusang isusuko ng puganteng mambabatas ang kanyang sarili.
Maging ang direktor ng National Bureau of Investigation na si Atty. Melvin Matibag ay umapela rin kay Sen. Bato Dela Rosa.
Apela niya sa mambabatas sumuko na lamang sapagkat dalawa ang pagpipilian nito, una ay ang pag-surrender at ang pangalawa’y ang pag-aresto sa kanya.
Kabilang ang Philippine National Police, sila’y inatasan ng Department of Justice na ipatupad ang warrant mula International Criminal Court laban sa senador.
Habang ayon pa kay Dir. Matibag, base sa impormasyon mayroon ang Bureau of Immigration, wala pang opisyal na ulat na nakalabas na ng bansa ang puganteng mambabatas.
Pagtitiyak naman ng National Bureau of Investigation na mayroon itinalagang grupo na siyang pokus at tututok sa paghahanap kay Sen. Bato Dela Rosa.
Samantala, itinanggi ni Department of Justice Secretary Fredderick Vida na mula kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang utos para ipatupad ang ‘ICC arrest warrant’ laban kay Sen. Bato Dela Rosa.
Ito aniya’y pagpapatupad ng warrant na kinikalala bilang ‘valid’ kasabay sa pagbasura o walang inilalabas na Temporary Restraining Order mula sa Korte Suprema.
Kung kaya’t dahil rito’y maari nang isagawa ng mga awtoridad ang implementasyon ng warrant kontra sa mambabatas.
















