-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan ng malawakang pag-aayos sa Senado, lalo na sa imahe nito, kasunod ng serye ng kaguluhan na naganap sa mataas na kapulungan nitong nakaraang linggo.

Binanggit ng senador ang mga lumalabas na video sa internet na nagiging paksa ng kaliwa’t-kanang puna at katatawanan, kung saan ang mga pangyayari sa Senado ay ginagawang memes at mistulang “drama.”

Aniya, dapat itong mabago at mapagtuunan ng pansin ng kasalukuyang liderato o ng sinumang susunod na mamumuno sa Senado.

Dagdag pa ni Gatchalian, sa loob ng sampung taon niya bilang senador ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong sitwasyon.

Aminado siyang naapektuhan ang dignidad at imahe ng Senado dahil sa mga kaguluhan, lalo na sa insidente ng pamamaril sa loob ng gusali.

Sa ngayon, lumilinaw na rin aniya ang nangyaring pamamaril at dapat mailabas ang aktuwal na pangyayari, kasama na ang pagpapanagot sa sinumang sangkot.

Binigyang-diin din niya na dapat masiguro na hindi na mauulit ang ganitong insidente upang maprotektahan ang imahe at integridad ng kapulungan.

Lumutang ang pangalan ni Gatchalian bilang isa sa mga napipisil na maging pangulo ng Senado dahil sa kanyang kakayahang pag-isahin ang ilang miyembro ng majority bloc at lahat ng nasa minority bloc.

Nagpahayag na rin ng interes at kumpiyansa ang iba pang senador sa kakayahan ni Gatchalian na mamuno sa mataas na kapulungan.