Inihayag ng National Bureau of Investigation na maaaring maharap ang ilan mga indibidwal sa panibagong ‘arrest warrant’ na posibleng ilabas ng International Criminal Court.
Ibinahagi mismo ni NBI Dir. Atty. Melvin Matibag na mayroon silang impormasyon sa posibilidad na mag-isyu pa ng mga ‘arrest warrant’ ang International Tribunal.
”We have information that there are severals na maisyuhan pa ng warrant ng ICC’,” ani NBI Dir. Atty. Melvin Matibag.
Gayunpaman, pagtitiyak niya’y handa ang kawanihan sakali man mangyari ito upang ipatupad o isagawa ang implementasyon ng matatanggap na warrant.
Ayon sa direktor, meron na rin silang naitatag na ‘protocols’ sa proseso ng pagsisilbi ng ‘arrest warrant’ at binigyang diin walang papaburan maging sinuman ang maisyuhan nito.
Sa kasalukuyan, nakatuon ang atensyon ng kawanihan sa paghahanap kay Sen. Bato Dela Rosa upang siya’y tuluyan ng maaresto.
Inatasan kasi ng Department of Justice ang NBI na isilbi ang warrant mula sa International Criminal Court laban sa mambabatas.
Bukod kay Sen. Bato Dela Rosa, itinuturing rin bilang co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong ‘crimes against humanity’ sina Sen. Bong Go, former DOJ Sec. Vitallano Agirre II, former PNP Chief Oscar Albayalde at iba pa.
















