Nanindigan si Atty. Cornelio Samaniego III na ang mga kickback o porsyentong ibinibigay ng mag-asawang Discaya sa mga pinangalanang kongresista atbpang government official, ay pawang nagmula sa kanilang bulsa.
Ayon kay Samaniego, na nagsisilbing legal counsel ng pamilya Discaya, ginigipit lamang ng mga matataas na opisyal ang mag-asawa, kaya’t napipilitan silang magbigay ng kickback, kahit pa sila ang nananalo sa mga bidding.
Sa ‘actual scenario’, nangyayari aniya ang gipitan, kahit pa mahirap itong paniwalaan, kaya’t upang umusad ang kanilang proyekto, wala silang ibang pagpipilian kungdi magbigay ng pera sa mga opisyal.
Itinanggi ng abogado na ito ay maituturing bilag bribe money.
Nanindigan din ang abogado na malinis ang perang hawak ng mag-asawang Discaya at malinaw aniyang sila ang nananalo sa mga bidding ng Department of Public Wrks and Highways.
Ayon kay Samaniego, malinis ang record ng kaniyang mga kliyente sa lahat ng mga pinasok na kontrata sa gobiyerno, kasama na ang mga nakukuhang pondo para sa mga itinatayong proyekto.
Bagaman may mga ghost project na iniuugnay at ikinakabit sa mag-asawa, sinabi ng abogado na wala silang ghost project at maayos na tinatapos ang mga kontrata.
Unang ibinunyag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na maaaring lumabas na ang warrant of arrest laban kay Sarah Discaya ngayong lingo, dahil sa pagkakasangkot sa flood control corruption.
Ilang oras matapos ang public announcement ni Marcos, agad ding nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Sarah upang ‘sumuko’ kahit wala pang warrant na inilalabas ang alinmang korte sa Pilipinas.















