-- Advertisements --

Nagkausap na sina dating DND OIC Jose Faustino at newly designated defense secretary Carlito Galvez para sa smooth transition.

Nilinaw din ni Galvez na walang isyu sa pagpalit ng liderato sa Kagawaran.

Ayon kay Galvez mataas ang respeto ng Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa dating OIC ng kagawaran.

Sa kabilang dako, inatasan din ni Galvez ang lahat ng miyembro ng executive committee ng Department of National Defense at mga pinuno ng bureaus nito na manatili sa kanilang posisyon.

Ito ang kautusan ng Kalihim sa isinagawang transition briefing kahapon, January 10, 2023.

Inilatag naman ng defense department kahapon ang 10-point agenda ng ahensiya na sinimulan ni dating DND OIC Senior Undersecretary Jose Faustino Jr.

Binigyang-diin naman ni Galvez ang kahalagahan ng mataas na moral ng mga empleyado sa DND at propesyonalismo sa Armed Forces of the Philippines sa pagpapanatili ng tiwala at kumpiyansa ng mamamayang Pilipino.

Bago ang pulong kahapon sa Camp Aguinaldo, nagkaroon ng pribadong pulong sina Galvez kay Gen. Faustino.

Batay sa report ng Kagawaran, nagsagawa muna ng briefing si Faustino kay Galvez sa iba’t ibang accomplishments ng Kagawaran kasama ang kanyang mga rekomendasyon na matiyak ang pagpapatuloy ng mga programa sa departamento.

Ginanap naman kaninang umaga ang Joint AFP-DND new years call na susundan ito ng AFP Command Conference na pangungunahan nila Galvez at AFP Chief of Staff, Gen. Andres Centino.

Ang pagbitiw ni Faustino ay itinuturing panibagong shake up sa security sector.

Sa irrevocable resignation ni Faustino kaniyang sinabi na wala siyang alam sa pagtalaga kay Gen. Andres Centino kapalit ni Lt.Gen. Bartolome Bacarro.

Subalit ayon sa Malacanang alam ito ni Faustino na magkakaroon ng palitan ng liderato.