-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang katutubong magsasaka sa nangyaring pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Neil Boy Alod, 24, binata, residente ng Sitio Kulaman, Brgy Pisan, Kabacan, North Cotabato.

Ayon kay Kabacan chief of police Major Realan Mamon, habang natutulog ang biktima sa kanyang kubo sa sakahan nito sa Brgy Bangilan, Kabacan ay bigla itong pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Kabacan.

Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Sa salaysay ng kapitbahay nito na si Talino Takalan, narinig pa umano niya ang mga putok nang baril ngunit hindi na niya pinuntahan ang biktima sa takot na siya ay papatayin rin ng mga suspek.

Marami ang naniniwala na posibleng napagkamalan lamang ang biktima na armado dahil may dalang jolen gun.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Kabacan PNP sa kaso sa pagpaslang sa biktima.