KALIBO, Aklan—Sinampahan ng kasong Murder sa Office of the Provincial Prosecutors ang suspect sa likod ng pagpaslang sa veteran journalist at chairman emeritus ng Publishers Association of the Philippines Incorporated na si Juan “Johnny” Dayang.
Ngunit ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, patuloy parin na pinaghahanap ang salarin na si Kim Wency Bayang Antonio, alyas BB Boy, 39-anyos, dating gwardiya at residente ng Bacoor, Cavite, ngunit tubong Balugo Valencia, Negros Oriental.
Sa kasalukuyan aniya ay hindi tumitigil ang Special Investigation Task Group “Dayang” sa pagtugis sa suspek para mabigyang hustisya ang kamatayan ng beteranong journalist gayundin upang malaman kung anu ang motibo sa krimen.
Matatandaan na dead on arrival sa Aklan provincial hospital ang 89-anyos na peryodista matapos na magtamo ng tatlong tama ng bala sa kaniyang leeg at likod matapos na pinagbabaril ng ilang beses ng suspek habang nakaupo sa kaniyang rocking chair at nanonood ng telebisyon sa loob mismo ng kaniyang bahay noong Abril 29, 2025.