Idineklara nang ‘case closed’ ang insidente ng umano’y panununog ng isang ina sa kaniyang tatlong anak kasama ang kaniyang sarili, sa bayan ng Sta Maria, Bulacan.
Maalalang naganap ang naturang insidente noong Mayo-7 kung saan nasawi ang tatlong mga bata na may edad anim, tatlo, at isang taon. Kinalaunan, nasawi rin ang nanay na pinaghihinalaang nanunog sa kaniyang mga anak matapos umano niyang sunugin din ang kaniyang sarili.
Ayon kay Sta Maria Chief of Police, Police Colonel Voltaire Rivera, tuluyan ding pumanaw ang ginang, ilang araw matapos ang insidente, sa kabila ng pagkakadala sa kaniya sa isang pagamutan.
Gayonpaman, nasampahan pa rin siya ng kasong parricide.
Dahil sa pagpanaw ng ginang, opisyal na ring idineklara ng pulisya bilang case closed ang naturang krimen, habang tuluyan na ring nailibing ang kaniyang mga anak sa bayan ng Sta Maria.
Unang lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago ang insidente ay nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang ginang at ang kaniyang asawa na isang police corporal.
Nakadestino ang naturang pulis sa PNP Maritime Group sa probinsya ng Batangas.