-- Advertisements --

Ilan pang personalidad — kabilang ang dati at kasalukuyang senador — ang idinawit ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways na sangkot sa umano’y korapsyon sa flood control projects sa bansa.

Sa sinumpaang salaysay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, idinawit nito si Senator Mark Villar, dating Senator Grace Poe, Department of Education Secretary at dating Senator Sonny Angara, dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, at Undersecretary for Planning Cathy Cabral.

Si Mark Villar ay nagsilbing kalihim ng DPWH sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ibinunyag ni Bernardo ang umano’y mga internal na mekanismo at “komisyon” sa pag-apruba ng mga proyekto noong kalihim pa si Villar at undersecretary for planning si Cabral.

Ayon kay Bernardo, siya ay itinatalaga bilang assistant secretary ng ahensya noong 2016 sa ilalim ni Duterte, habang pinamumunuan ni Villar ang kagawaran.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Bernardo na si Usec. Cabral ang direktang katuwang noon ni Villar sa paglalaan, paglista, at pagbuo ng budget para sa lahat ng infrastructure projects ng DPWH.

Ibinunyag ni Bernardo na sa mga proyektong aprubado sa pamamagitan ni Usec. Cabral at Secretary Villar, may umiiral umanong 10% na komisyon.

Samantala, mariing itinanggi ni Villar ang mga akusasyong ibinato laban sa kanya, at isa aniyang malaking kasinungalingan at walang batayan ang mga paratang.

Binanggit din ng senador ang kanyang mahabang track record sa serbisyo publiko — mula sa pagiging kinatawan, hanggang sa pag-upo bilang kalihim ng DPWH sa ilalim ng nakaraang administrasyon, at ngayon bilang senador.

Naninindigan siyang malinis ang kanyang pangalan at walang bahid ang kanyang panunungkulan.

Bukod kay Villar, dawit din sa sinumpaang salaysay sina Angara at Poe — na kapwa nagsilbing chairperson ng Senate Committee on Finance na pangunahing tungkulin ang suriin ang panukalang pondo.

Dahil nadawit sina Angara at Poe, mariing itinanggi ng dalawa na sangkot sila sa maanomalyang flood control projects.

Sabi ni Angara, sa loob aniya ng 21 taon ng kanyang panunungkulan sa gobyerno, hindi raw siya nasangkot sa korapsyon.

Naniniwala naman si Poe na masusing susuriin ng Department of Justice ang mga akusasyong ito, at tiniyak niyang buong suporta siya sa mga imbestigasyon — dahilan kung bakit siya mismo ang humarap noong una sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Samantala, kung matapang na inilahad ni Bernardo ang mga senador na dawit sa korapsyon — tila lumambot at naging emosyonal siya habang isinasalaysay niya ang naging papel ni Bonoan sa katiwalian sa pagsisingit ng mga proyekto sa budget at ang hatian sa komisyon sa mga government projects.

Maiyak-iyak na sinabi ni Bernardo na mataas ang kanyang pagtingin kay Bonoan dahil naging mentor niya ito at matagal na kaibigan.

Aabot aniya sa kabuuang P5 billion kada taon ang proyektong nahawakan niya kay Bonoan na may 15 percent commitment, at sa komisyong ito ay paghahatian nila kung saan 75 percent dito ay kay Bonoan.

Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Lacson na pag-aaralan pa ng komite ang sworn affidavit ni Bernardo sa paglabangkas ng committee report.

Ito ay dahil hindi naman daw direktang ang mga nabanggit na senador ang nakausap ni Bernardo at mga staff lamang nito.

Pinayuhan umano ni Lacson si Bernardo na kung magbabanggit ng sangkot ay dapat na mayroon itong kaakibat na dokumento bilang patunay ng kanilang alegasyon.

Sa huli, kinumpirma naman ni Lacson na si Bernardo ang tinutukoy niyang “important witness” sa pagdinig ukol sa maanomalyang flood control projects.