Nakatakdang ibalik ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa mga displaced workers sa formal sector.
Nagkaroon kasi ng realignment ang DOLE sa kanilang 2020 budget na nagkakahalaga ng nasa P1.5 billion.
Ang naturang halaga ay gagamitin para sa one-time cash assistance na ibibigay sa karagdagang 300,000 manggagawa sa formal sector na apektado ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa DOLE, 407,300 workers na ang nakatanggap ng cash assistance sa ilalim ng CAMP.
Nauna nang itinigil ng DOLE ang pagtanggap ng mga applications para sa CAMP upang bigyan daan ang wage subsidy program ng Department of Finance para sa mga middle-income workers.
Ang budget realignment na ginawa ng DOLE ay ipinag-utos mismo ni Labor Sec. Silvestre Bello III upang matulungan ang mas marami pang displaced formal sector workers, na tinatayaang aabot na sa ngayon sa 2.3 million.
Hanggang noong Abril 28, sinabi ng DOLE na 87,301 establishments ang nagsabi na mahigit 1.6 million ng kanilang mga manggagawa ang apektado ng pansamatalang pagtigil ng kanilang operasyon habang 797,729 naman ang nasa alternative work arrangements dahil sa quarantine measures na ipinapatupad.
Sa pamamagitan ng realignment na ginawa ng DOLE, aabot na sa kabuuang 650,000 manggagawa ang kanilang matutulungan sa pamamagitan ng P3.24 billion na kabuuang CAMP assistance budget.
Samantala, mahigit 70,000 overseas Filipino workers (OFWs) naman ang nakatanggap na ng P10,000 cash assistance bawat isa sa ilalim ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program na may P1.5 billion budget.
Pero mahigit 297,000 OFWs pa ang umaapela sa pamahalaan na mabahagian din ng ayuda base na rin sa reports mula sa Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) at local offices ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).