Isiniwalat ng Maritime Industry Authority na walang lisensya ang kapitan ng tumaob na motorbanca sa Binangonan, Rizal.
Ito ay batay sa lumabas na resulta ng kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente.
Ayon sa Maritime Industry Authority, napag-alam nila na walang balidong lisensya ang kapitan ng Aya Express na si Donald Anain matapos ang kanilang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng Talim Island Passenger Motorboat at Patron Association bilang bahagi ng kanilang ikinakasang imbestigasyon.
Dahil dito ay mas nadiin pa ngayona si Anain sa mga reklamong ipinupukol laban sa kaniya hinggil sa naturang insidente na kumitil sa buhay ng 27 mga indibidwal.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ng MARINA na mahigpit nilang tututukan ang pangyayaring ito upang alamin ang mga naging pagkakamali at panagutin ang Aya Express sa batas.
Samantala, kasabay nito ay siniguro rin ng natarang ahensya na magpaabot ito ng tulong sa mga biktima, habang kasalukuyan na rin nilang nireresolba ang pagbibigay ng asosasyon ng insurance sa mga biktimang nasawi sa naturang insidente.
Maaalala, na una nang napag-alaman ng mga otoridad na overloaded ang Aya Express nang magpatuloy pa rin ito sa paglalayag na isa sa mga naging sanhi ng pagtaob at paglubog ng nasabing bangka.