Pag-aaralan daw ngayong gabi ng Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon sa e-sabong sa bansa.
Ito ang inihayag ng Pangulong Duterte sa kanyang isinagawang inspection sa OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga.
Aniya, nasa kanya na raw ang naturang rekomendasyon at pag-aaralan muna niya ito bago magbigay ng kanyang desisyon bukas.
Kasunod na rin ito ng review ng pag-aaral na isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sinabi ng Pangulong Duterte na inatasan na raw niya si DILG Secretary Eduardo Año na magsagawa ng survey kaugnay ng naturang industriya sa mga local units at tipunin ang mga feedback sa mga siyudad at mga probinsiya kaugnay ng operasyon ng online sabong.
“The recommendation is on my table now, so ‘pag dating doon, basahin ko and maybe by Monday, malaman natin kung ituloy natin o hindi. Pag-aralan ko ‘yan ngayong gabi. I will read it all over again, and I would like to see the dimension,” ayon sa pangulo.
Kung maalala, noong Pebrero 24 ay ipinasa ng Senado sa Malacañang at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang kanilang resolusyon na nagpapanawagang suspensdehin ang operasyon ng e-sabong.
Nag-ugat ang naturang resolution sa pagkawala ng nasa 34 online cockfighters.