-- Advertisements --

Naglabas ng pahayag si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., legal counsel ni Vice President Sara Duterte, laban sa handwritten letter ni Ramil Madriaga na may petsang Abril 11, 2026.

Ayon kay Panelo, mas lumilinaw ang depensa ng Pangalawang Pangulo sa tuwing nagsasalita si Madriaga dahil umano’y walang kredibilidad ang kanyang mga alegasyon.

Binanggit ni Madriaga ang umano’y “secret term-sharing agreement,” planong pagpapatalsik, at assassination plots laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit mariing itinanggi ni Panelo ang mga ito at tinawag na “pure fiction.”

Dagdag pa niya, handa silang pabulaanan ang bawat punto kung kinakailangan, subalit malinaw na walang ebidensiya ang mga paratang.

Giit ni Panelo, matagal na niyang sinabi na ang pagpapasaksi kay Madriaga ay magbubunyag lamang ng kakulangan nito sa kredibilidad. Si Madriaga ay dating miyembro ng security detail na naging bahagi ng mga diskusyon sa House Justice Committee kaugnay ng impeachment at iba pang alegasyon.

“I have repeatedly said that making Madriaga testify would just reveal his lack of credibility and expose his lies. He has now succeeded in doing exactly that even before uttering a single word under oath in the House Justice Committee,” wika ni Atty. Panelo.

Sa kabuuan, iginiit ni Panelo na ang mga pahayag ni Madriaga ay hindi makakatulong sa kanyang panig, bagkus ay nagiging mas matibay na depensa para kay Vice President Duterte.