-- Advertisements --

Pinasinungalingan ng kampo ni dating senator Bongbong Marcos ang mga akusasyon na kasali ito sa impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Magugunita na si Leoned ay member-in-charge sa electoral protest ni Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET).

Ayon sa abogado at tagapagsalita ng mga Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, hindi konektado ang kaniyang kliyente sa impeachment complaint na inihain laban kay Leonen.

Mas pinili na lamang daw ng dating mambabatas na hindi magkomento sa naturang isyu dahil puro alegasyon lamang daw ang ibinabato sa kaniya.

May ilang grupo kasi tulad ng NUPL, Bayan at maging si Atty. Chel Diokno ang nagturo sa pamilya Marcos na nasa likod umano ng pagpapatalsik kay Leonen, na pinangunahan naman ni Larry Gadon.

Si Leonen ang justice in charge sa election protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo dahil sa kaniyang pagkatalo noong 2016 elections.

Una nang sinubukan ni Bongbong na pilitin si Leonen na mag-inhibit mula sa kaso ngunit hindi ito nagtagumpay.

Pinangunahan ni Gadon ang impeachment complaint sa House of Representatives noong Lunes. Kilala si Gadon bilang loyalist ng mga Marcos.

Inakusahan nito si Leonen ng umano’y paglabag sa Constitution dahil sa pag-delay ng resolusyon ng mga nakabinbing kaso sa Supreme Court at House of Representatives Electoral Tribunal.

Gayundin ang pagtataksil sa publiko dahil hindi raw ito naghain ng kaniyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) noong mga panahon na nagtuturo pa ito sa University of the Philippines (UP).