-- Advertisements --

Kinumpirma ni House of Representatives spokesperson Princess Abante ngayong Sabado, Hulyo 19 na tumugon na ang kapulungan sa direktiba ng Korte Suprema na magbigay ng impormasyon at mga dokumento sa impeachment ni Vice President Sara Duterte nang nakapanumpa.

Nag-ugat ang utos ng korte sa inihaing mga petisyon ng kampo ni VP Sara na humihiling na itigil ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.

Sa isang statement, sinabi ng House official na isinumite na ng Office of the Solicitor General (OSG), na tumatayong counsel ng House, ang pleading online sa pamamagitan ng Philippine Judiciary Portal at isinilbi sa lahat ng concerned parties sa pamamagitan ng electronic service.

Nakatakda din aniyang magsumite ng physical copy sa Korte Suprema sa pamamagitan ng personal service sa araw ng Lunes.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Abante na ang unang tatlong reklamo laban sa Bise Presidente ay kabilang sa Order of Business sa loob ng 10-session-day timeline na minamandato ng konstitusyon.

Ang ikaapat naman ay sinusuportahan ng mahigit one-third ng miyembro ng Kamara, na ipinadala ng direkta sa Senado bilang Articles of Impeachment.

Tiniyak naman ni Atty. Abante sa publiko na mananatiling available ang due process para sa Bise Presidente sa buong impeachment trial para depensahan ang kaniyang panig at magpresenta ng mga ebidensiya.