Tiniyak ng House of Representatives na sasagutin nito ang petisyong inihain sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa legalidad ng Republic Act (RA) 11954 o ang Maharlika Investment Fund Act of 2023.
Sa isang pahayag, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na iginagalang nito ang direktiba ng Korte Suprema na maghain ng komento sa petisyon sa itinakdang oras.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang MIF ay nilikha upang magkaroon ng bagong mekanismo ang bansa upang mabilis na umunlad ang ekonomiya.
Siniguro ni Speaker na sumunod sila sa legislative processess sa pagbuo at pagpapatibay sa nasabing batas.
Ayon sa lider ng Kamara, mahalaga rin umanong ipabatid sa publiko na ang intensyon ng Kamara ay tiyakin na tama ang gagawing paggamit ng pondo ng bayan.
Ang kaunlaran at kapakanan ng ating bansa ay nangunguna sa legislative agenda, at nananatiling bukas sa anumang diyalogo na magpapasulong sa layunin na iangat ang buhay ng mga Pilipino.