Tinatrabaho ng Kamara de Representantes ang panukalang Magna Carta for Barangays bukod pa sa pagsusulong na ang mga opisyal ng barangay ay maging miyembro ng Social Security System at magkaroon ng anim na taong termino.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa National Congress ng Luga ng mga Barangay kamakailan.
Ayon kay Romualdez ang isinusulong ng Kamara ay maging SSS members ang lahat ng mga opisyal ng barangay ng walang binabayaran ang mga ito upang sila ay magkaroon ng mga benepisyo gaya ng life insurance at lifetime pension kapag sila ay nagretiro.
Sinabi ni Speaker Romualdez na naghain ito ng panukala sa Kamara upang gawing anim na taon ang termino ng mga opisyal ng barangay upang matapos ng mga ito ang kanilang mga proyekto na pakikinabangan ng kaning mga constituent.
“Nais ko ring ipahayag na kahit abala tayo sa mga hakbangin na ito, hindi pa rin natin pinapabayaan ang pangarap nating magkaroon ng Magna Carta for Barangays. Sa panukalang ito, layunin natin na gawing komprehensibo ang mga benepisyo at suporta na ibinibigay natin sa mga barangay officials,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga opisyal ng barangay na makibahagi sa talakayan at magbigay ng kanilang mga suhestyon upang mas mapaganda ang kanilang benepisyo.
Kinilala ni Romualdez ang kahalagahan ng mga opisyal ng barangay sa pag-ugnay ng mga komunidad sa national government sa paghahatid sa serbisyo.
Nauna rito, sinabi ni Speaker Romualdez na pinag-aaralan ng Kamara ang pagpasa ng panukala upang maglaan ang mga lokal na pamahalaan ng pondo na siyang gagamiting pambayad ng SSS premium ng mga opisyal ng barangay.
Sinabi ni Speaker Romualdez na alam nito at ng kanyang mga kasama sa Kamara ang mga alalahanin ng mga opisyal ng barangay kaugnay ng kapakanan nila at ng kanilang pamilya habang naglilingkod sa kanilang komunidad.
Ayon naman kay SSS President Rolando Macasaet, na bukod sa SSS insurance coverage at pension benefits, isinusulong din ni Speaker Romualdez na mabigyan ng kondonasyon ng penalty ang mga opisyal ng barangay na miyembro na ng SSS at mayroong hindi pa nababayarang utang.