-- Advertisements --

Target ng pamunuan ng Kamara na matapos ang pagtalakay at deliberasyon sa 2023 proposed national budget bago mag-October 1.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ito ay bago mag-recess ang 19th Congress hanggang sa November 6.

Isinumite na ni Budget Secretary Amenah Pangandaman kay Romualdez ang kopya ng National Expenditure Program (NEP) o ang 2023 proposed national budget na nagkakahalaga ng P5.268-trillion.

Sinabi ni Romualdez, agad na sisimulan ng Kamara ang budget deliberations sa committee level sa August 26.

Una ng siniguro ni Romualdez na magiging transparent ang pagbusisi at pagpasa sa pambansang pondo.

Tiniyak din ni Romualdez na bawat sentimo ng 2023 proposed national budget ay magagamit sa implementasyon ng mga programa ng gobyerno sa harap ng patuloy na banta ng pandemya.

Nananatili ang Department of Education na may pinakamalaking budget na P852.8-billion.

Sinundan ito ng DPWH- P718.4-billion; Department of Health – P296.3-billion; DSWD – P197-billion at Department of Agriculture (DA) -P184.1-billion habang ang DOTR ay makatatanggap ng P167.1 billion.

Samantala, ayon naman kay Secretary Pangandaman ang Agriculture sector ay mayroong dagdag na pondo sa proposed 2023 budget, kung saan tumaas ito ng 39.2 percent on a year-on-year basis.

Sinabi ni Pangandaman, nakasentro ang ilalaang pondo ng gobyerno sa Health care, social services, safe resumption of classes.

Sinabi ni Pangandaman ang pambansang pondo ay naka-angkla sa kanilang tema “Agenda for Prosperity: Economic Transformation Towards Inclusivity and Sustainability.”