“Sara all.”
Ito ang naging tugon ng tagapagsalita ng House of Representatives na si Atty. Princess Abante nang tanungin tungkol sa biyahe ni Vice President Sara Duterte sa Australia, kung saan napaulat na dadalo ito sa isang rally na may temang “Free Duterte Now” bilang suporta sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands.
Sinabi ni Abante na hindi niya makumpirma kung ang biyahe ay personal o opisyal, ngunit binigyang-diin niya na ang mga halal na opisyal ay dapat gamitin ang kanilang oras sa loob man o labas ng bansa para sa paglilingkod sa bayan, at hindi para sa pansariling interes.
“Pero alam n’yo, hindi ko alam kung if that is an official travel or if it’s a personal travel. But lagi-lagi, bilang halal na opisyal ng bayan, ‘yung oras mo na ginugugol, oras mo sa loob at labas ng ating bansa, ito man ay pang-personal o official, dapat para sa taumbayan, hindi sa personal na interes,” aniya.
Binigyang-diin din ni Abante ang kahalagahan ng pagtupad sa tiwalang ibinigay ng publiko, lalo na kung may kinalaman ito sa paggamit ng pondo ng bayan at mandato ng mamamayan.
“Para hindi nasasayang ang tiwala, ang pondo at ibinigay na mandato ng Pilipino sa atin,” dagdag pa niya.
Napuna ng mga watchdog groups at political observers ang mga ulat tungkol sa biyahe ng Bise Presidente patungong Australia at ang pakikilahok niya sa nasabing rally lalo na’t tila may bahid ng pamumulitika ang naturang aktibidad.
Ang “Free Duterte Now” rally ay iniulat na layong ipagtanggol ang dating pangulo, na kasalukuyang nakakulong at iniimbestigahan ng International Criminal Court kaugnay sa umano’y krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.
Paulit-ulit na nanawagan ang Kamara ng malinaw at tapat na paggamit ng pondo ng gobyerno, lalo na sa gitna ng mga kontrobersiya kaugnay ng paggamit ni Bise Presidente ng confidential funds habang sabay na nanunungkulan bilang kalihim ng edukasyon.