-- Advertisements --

Tinanggal bilang deputy speaker ng Kamara si dating Pangulo at ngayong Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.

Bukod sa dating Pangulo, inalis din bilang deputy speaker si Davao Representative Isidro Ungab.

Ito’y matapos magpatupad ng balasahan ang pamunuan ng Kamara.

Ang dalawang mambabatas ay kilalang kaalyado ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.

Ipinatupad ang balasahan isang araw matapos pagtibayin ang House Resolution 1414 na naghahayag sa tindig ng Kamara na itaguyod ang integridad ng institusyon at pagsuporta sa liderato ni Speaker Martin Romualdez.

Hindi lumagda si Arroyo sa House Resolution 1414 na pinagtibay kahapon sa pagbabalik ng sesyon.

Sa ngayon wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang kampo ni Arroyo.

Batay sa ulat kasalukuyang nasa ibang bansa ang dating Pangulo.

Si Isabela Representative Tony Pet Albano ang pumalit sa pwesto ni Arroyo habang si Lanao del Sur Rep. Yasser Balindong ang pumalit sa pwesto ni Ungab.