Nakatakdang magpulong ngayong araw ang Kamara at mga oil companies para makahanap ng “win-win solution” kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Itinakda ang pagpupulong mamayang alas-3:00 ng hapon sa House of Representatives.
Inimbita sa consultative meeting ang lider ng House Committee on Energy, mga opisyal ng Department of Energy sa pangunguna ni Undersecretary Sharon Garin, at mga kinatawan ng mga kompanya ng langis na sina Mia Delos Reyes ng Petron Corporation, Timothy James Laurel ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., Tanya Samillano at Romina Antonio ng Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA), at mga kinatawan mula Chevron Philippines, Inc., Philippine Institute of Petroleum (PIP), Flying V, at Total Philippines Corp.
Naniniwala si Speaker na manggagaling ang hinahanap na solusyon sa mga stakeholders sa industriya ng langis.
Samantala, may plano rin si Speaker Romualdez na makipag dayalogo sa mga manufacturer ng canned goods at basic foods gayundin sa mga supermarket association, bunsod ng planong pagtataas ng mga ito sa presyo ng kanilang paninda dulot ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Speaker Romualdez na mayroong mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan upang maibsan ang sitwasyon sa bansa subalit ang kinakaharap na hamon ay pandaigdigang krisis.