Tuloy-tuloy umano ang pag-hire ngayon ng Department of Health (DoH) ng mga encoders para matugunan ang isyu ng pagka-delay ng pag-release ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa mga quarantine facilities.
Una rito, nagpaliwanag si DoH Usec. Maria Rosario Vergeire kung bakit natatagalan ang mga OFWs sa mga quarantine facilities dito sa bansa.
Aniya, ang resulta daw kasi ng test ng mga OFWs ay hindi kaagad naide-deliver at kulang sila sa mga encoders na siyang umaasikaso sa mga datos at mga resulta ng test.
Aminado rin ang undersecretary na hindi nila makuha nang mabilis ang resulta ng mga test para mabigyan ng clearance ang mga OFWs at makauwi na sa kani-kanilang mga probinsiya.
Gayunman, tiniyak ni Vergeire na ang naturang problema ay ginagawan na ng gobyerno ng paraan.