DAVAO CITY – Nakahanda na ang “Davao pride” na si Nesthy Petecio na makaharap ang world’s number 1 na si Ling Yu Ting mula-Chinese Taipei para sa Women’s Featherweight Category.
Ito’y matapos niyang talunin kahapon si Marcelat Sakobi Matshu ng Democratic Republic of the Congo sa pamamagitan ng unanimous decision o 5-0 na score mula sa judges.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Nolito Velasco, head coach ng Philippine Women’s Boxing team, sinabi nito na nagsilbing “warm-up” para kay Petecio ang face off nila ni Matshu.
Nag-review rin daw si Velasco sa mga nakaraang laban nina Lin at ni Petecio para mas maihanda ang Pinay boxer pagdating sa Round of 16 bout nito bukas, Hulyo 26, ganap na alas-12:39 ng tanghali.
Kailangan din aniyang manalo si Petecio sa laban kay Lin para makapasok ito sa quarter finals at magarantiya ang kahit bronze medal para sa Pilipinas.
Ayon pa sa head coach, nagpapasalamat si Petecio sa mga kababayang Pilipino lalo na sa mga Dabawenyo na nagpapakita sa kanya ng suporta.