Personal na nagtungo at bumisita ngayong araw ang sikat at tinitiliang K-pop group na BTS sa White House.
Pero hindi para mag-concert kundi bilang pakikiisa sa ginugunitang Asian American and Native Hawaiian/Pacific Islander month na taunang ipinagdiriwang tuwing buwan ng Mayo sa Amerika.
Sa kanilang pagtungo sa White House ay personal din silang sinalubong ni U.S. President Joe Biden upang pag-usapan ang Asian hate crimes na talamak ngayon sa bansang Amerika.
Matatandaan na makailang beses nang sunud-sunod na napapabalita ang mga kaso ng hate crime na bunga ng discrimination na pangunahing tinatarget ang mga may dugong Asyano na hindi rin natakasan ng ilan sa ating mga kababayan na naninirahan sa Estados Unidos.
Sa isang pahayag na ibinihagi ni Biden ay nagpaabot siya ng pagpapasalamat sa BTS dahil sa isinusulong nitong awareness hinggil sa pagtaas ng mga kaso ng anti-Asian hate crimes at discrimination.
Aminado si Biden isa sa pinakamalaking suliranin sa kanilang bansa ang discrimination.
Samantala, bago pa man makipag-usap sa pangulo ng Amerika ay humarap muna sa media ang BTS upang samantalahin ang pagkakataon na ito na gamitin ang kanilang mga tinig upang ipanawagan sa lahat na tuldukan na ang nasabing karahasan matapos daw ang sakit ng pagkawasak na kanilang naramdaman lalo na ngayong padami pa ng padami ang kaso ng hate crimes, kabilang na ang Asian American hate crimes.
Ang K-pop superstar na BTS ay isa ring youth ambassadors na kilala sa paggamit ng kanilang mga liriko at mga social campaign na naglalayong palakasin pa ang youth empowerment.
Magugunita na mas lalong tumaas ang mga kaso ng naturang karahasan laban sa mga taong may dugong Asyano matapos na isisi sa China ng ilang mga politiko at eksperto ng Amerika ang pagsisimula at pagkalat ng sakit na COVID-19.