-- Advertisements --

Kinumpirma ng singer at actor na si Justin Timberlake na siya’y na-diagnose ng Lyme disease matapos ang kanyang “Forget Tomorrow” world tour noong Hulyo 30.

Ayon sa singer, nakaranas siya ng matinding nerve pain, pagkapagod, at iba pang sintomas habang nasa entablado, dahilan upang siya’y magpatingin sa doktor.

Ang Lyme disease ay isang bacterial infection na nakukuha sa kagat ng infected na tick, at maaaring magdulot ng flu-like symptoms, arthritis, at neurological issues.

Tinatayang nasa 476,000 katao ang ginagamot para sa Lyme disease sa Amerika bawat taon, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention.

Bagama’t hindi ibinahagi ni Timberlake ang detalye ng kanyang treatment, sinabi niyang pinili niyang ipagpatuloy ang tour dahil sa saya ng pagpe-perform.

Nanawagan ang singer ng mas malawak na pag-unawa sa sakit na ito at umaasang makatulong sa iba sa pamamagitan ng kanyang pagbabahagi.