-- Advertisements --

Matagumpay na nagtapos ang RP-US Balikatan Exercise 36-2021 ngayong araw, April 23, 2021 sa kabila ng umiiral na sitwasyon dahil sa COVID-19 pandemic.

Isinagawa ang closing ceremony sa Camp Aguinaldo na dinaluhan ni US Embassy Charge d’ Affaires John Law at pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ayon kay Law, naipakita ng mga Amerikano at Pilipinong sundalo na napakahusay ng kanilang pagtutulungan sa trabaho sa kabila ng lahat ng hamon at komplikasyon.

Dagdag ni Law, palaging welcome sa US military ang pagkakataon na makapagsanay kasama ang AFP, at masaya ang mga Amerikanong sundalo sa bawat pagkakataon na makapunta sa Pilipinas.

Sa panig naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinabi nito na ang nasabing joint military exercise ay hindi pagsasanay para labanan ang ibang bansa.

Aniya, mas nakatuon ang pagsasanay sa pagtugon sa mga kalamidad na mas mahalaga sa panahong ito.

Dagdag ni Lorenzana, malaking bagay sa AFP ang mga natutunan ng mga sundalong Pinoy sa Balikatan.

“Our success brings forth two important messages to the world: first, nations become stronger if we work together; and second there is no threat too daunting if the burden is shared and shouldered together,” pahayag pa ni Lorenzana.

Binigyang-diin din ng kalihim na ang Balikatan ay naging premier military exercises na sa rehiyon.