-- Advertisements --
AFP CHIEF GEN. ROMEO BRAWNER JR

Kabilang sa mga tinitingnan opsyon ngayon ng Armed Forces of the Philippines ay ang pagsasagawa ng joint resupply mission kasama ang iba pang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas.

Ito ang inihayag ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. kasunod ng pinakahuling insidente ng pangbubully ng China sa WPS kung saan umabot na sa pamamangga sa resupply boat ng Pilipinas ang panghaharrass nito sa nasabing lugar.

Aniya, bukod ito ay maraming mga opsyon ang kanilang pinag-aaralan ngayon para sa pagsasagawa ng rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Pag-amin ni Brawner, nangangamba sila sa posibilidad ng paglala pa ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ngunit gayunpaman ay iginiit niya na magpapatuloy pa rin ang isinasagawang rotation and resupply mission ng kasundaluhan para sa mga tropa ng mga militar na naka-base sa BRP Sierra Madre.

Kung maaalala, una na ring iginiit ni Brawner na walang karapatan ang China na mangialam sa isinasagawang pagkukumpuni ng Pilipinas sa kinakalawang na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal na isinadsad sa lugar noon pang taong 1999.