Pormal nang ilunsad ngayong araw ang Joint Anti-Fake News Action Committee ng Philippine National Police (PNP) na siyang dinaluhan ng mga vital officials mula sa ibat ibang ahensya gaya ng Philippine Coast Guard (PCG), Department of Interior and Local Government (DILG) at maging ang Presidential Communications Office (PCO) upang makiisa sa layunin sa pagbuo ng naturang komite.
Layon kasi ng komite na ito na labanan ang pagkalat ng maling mga impormasyon at pagkalat ng disinformation na siyang nakakaapekto sa operasyon at imbestigasyon hindi lamang ng PNP ngunit maging ng ilan pang mga ahensya sa ilalim ng gobyerno ng bansa.
Sa mga naging pahayag ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, binigyang diin niya na ang mabilis na solusyon para malabanan ang mga maling impormasyon ay ang patuloy na paglalabas at pagpapalaganap ng mga tubay na sitwasyon at istorya sa likod ng mga isyu na bumabalot sa kanilang pagtindig sa patuloy na nagaganap na mga territorial disputes sa mga katubigan sa West Philippine Sea.
Aniya, ang pagbibigay ng gobyerno ng mga tamang impormasyon kontra sa mga kumakalat na maling impormasyon tungkol sa kanilang patuloy na paninindigan sa WPS ay isa sa pinakamabisang paraan para labanan ang misinformation, disinformation at maging ang pagpapakalat ng mga malisyosong impormasyon patungkol dito.
Binigyang diin din ni Tarriela ang malaking bahagi na ginagampanan ng mga media practitioners at mismong mga journalist na siya aniyang daan para maipaabot pa sa publiko ang mga impormasyon na dapat nilang matanggap.
Samantala, para naman kay Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz, dapat nang magstep-in ang gobyerno para sa regulasyon ng mga impormasyon na natatanggap ng publiko mula sa social media platforms at ibat ibang mga ahensya.
Aniya, masyado nang babad sa social media ang publiko kaya naman dapat mayroong sapat na kapasidad ang pamahalaan para labanan ang mga maling impormasyon sa nga social media platforms.
Binigyang diin din ni Ruiz na dapat mismong ang gobyerno ang siyang nagsasabi kung ano ang tama at maling impormasyon na siya naman aniyang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon.
Kapag mayroong mga maling impormasyon ay dapat aniyang ibigay agad ang tamang mga detalye kaugnay nito at bigyang linaw ng mas mabilis ang impormasyon para maiwasan ang pagkakaroon ng confusion at paglala ng paglaganap ng fake news.
Samantala, pumirma na rin ang mga ahensya sa kasunduan na pormal na pinasinayanan ang Joint Committee para malabanan ang mga maling impormasyon na kumakalat sa panahon ngayon.