Matagumpay na naisagawa ng mga tropang sundalo ng Pilipinas at Amerika ang joint air assault training bilang parte ng nagpapatuloy na Salaknib Phase 2 na ginanap sa Cagayan North International Airport.
Kasama sa pagsasanay ang mga tropa ng Pilipinas mula sa 18th Scout Ranger Company at ang kanilang US counterpart.
Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, nakapokus ang pagsasanay sa pagpapahusay pa ng joint operational capabilities at rapid airfield security response.
Gamit ang CH47 at Balck Hawk helicopters, isinagawa ng dalawang pwersa ang pagpaplano ng misyon, detalyadong rehearsals at airfield security sa may Calayan Airstrip.
Dito, nasubok ang real-time coordination, mabilis na deployment ng mga tropang sundalo, at airfield security protocols.
Nagresulta naman ito sa matagumpay at seamless security exercise.
Ayon kay Dema-ala, ipinapakita ng pagsasanay ang nagpapatuloy na pagsisikap ng Philippine Army para palakasin pa ang international defense partnerships at mapagbuti pa ang kanilang kapasidad para tugunan ang mga mahihirap na hamon sa seguridad.
Samantala, magtatagal pa ang Salaknib Phase 2 hanggang sa Hulyo 20.