-- Advertisements --

Pormal ng isinumite ng Judicial and Bar Council ang opisyal na listahan o shortlist ng mga nominado sa posisyon pagka-Ombudsman kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sa isinagawang deliberasyon ng konseho sa kung sino ang tingin nilang nararapat para sa naturang pwesto, pito sa mga aplikante ang nakasama sa listahan.

Kapansin-pansin sa shortlist ng Judicial and Bar Council ang pagkakabilang ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.

Habang kasama rin niya sa listahan ay sina former Commission on Audit Chairman Michael Aguinaldo, retired Court of Appeals Associate Justice Stephen Cruz, Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan, Office of the President Deputy Executive Secretary Anna Liza Logan, retired Supreme Court Associate Justice Mario Lopez, at Sandiganbayan Associate Justice Michael Frederick Musngi.

Maaalalang sumalang ang 17 aplikante o indibidwal sa naganap na public interview ng Judicial and Bar Council sa Korte Suprema.

Isinagawa ito simula noong August 28 hanggang nitong ika-2 ng Setyembre sa taong kasalukuyan.

Buhat nito’y ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang kanyang reaksyon nang mapabilang sa Ombudsman shortlist.

Titingnan aniya kung ano ang posibleng mangyari sa mga susunod kasabay ng pagtitiyak na magpapatuloy pa rin ang trabaho bilang kalihim.

Sa kasalukuyan kasi ay isa ang Department of Justice sa mga nangungunang mag-imbestiga ukol sa flood control projects anomaly.

Kung saan nasimulan na ng ‘case buildup’ upang matukoy ang katotohanan at tuluyang masampahan ng mga kaukulang kaso ang mga sangkot sa kontrobersiya.

“Tingnan natin how it goes,” ani Department of Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.

Samantala, sa usapin naman kung maari bang magkasabay na maging kalihim at Ombudsman si Remulla, kadyat naman itong itinanggi ng justice secretary.

Aniya’y hindi ito maari sapagkat magkaibang opisina ang dalawa na parehong ‘independent constitutional office’.

Buhat nito’y obligado ng pumili si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kung sino ang kanyang itatalaga bilang susunod na Ombudsman.

Maaalalang nabanggit ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting na tanging sa listahan lamang ng Judicial and Bar Council maaring pumili ang president.

At kung hindi man, aniya’y maituturing ito bilang ‘unconstitutional’ o di’ naayon sa saligang batas.